Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila.Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.
Pagninilay
Alin ba ang mas tama: ang “banal pero masaya” o ang “banal kaya masaya?” Sa makamundong pananaw, hindi maaaring magsama ang kabanalan at kasayahan. ‘Kill joy’ ang turing ng marami sa mga tumatahak sa landas ng kabanalan. Tila ba walang karapatang sumaya ang mga taong matuwid at tapat. Sabi ni Papa Francisco, ang salitang ‘masaya’ o ‘mapalad’ ay katumbas ng katagang ‘banal.’ Ipinapahayag nito na ang mga taong tapat sa Diyos at sa kanyang Salita ang magkakamit ng tunay
na kasayahan. Sa biblia, itinuturo na ang susi sa kagalakan ay kabanalan. Ito ang pangako ni Jesus sa kanyang mga alagad bago siya umakyat sa langit: “mag-uumapaw sa puso ninyo ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.” Hindi yaman o kasiyahang ibinibigay ng mundo ang magpapasaya sa tao. Tanging Diyos lamang ang tutugon sa malalim na hinahangad ng ating puso.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





