Ebanghelyo: Lucas 24:35-48
At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.)
Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila.
Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.”
At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Pagninilay
May mga lugar na ayaw na nating balikan at alalahanin pa. Dito naganap ang mga hindi kaaya-ayang pangyayari o mga kaganapang nagdala sa atin ng trauma o mga pagkatakot. Para sa mga alagad, tila isang bangungot ang naganap sa Jerusalem. Saksi ang lugar na iyon sa mga naganap na pagtataksil, pagkakanulo, pagtatatwa at pang-iiwan sa isang kaibigan. Ngunit ang simula ng pagpapatawad at paghilom ay ang kababaang-loob na tanggapin ang ating mga pagkakamali. Winika sa kasulatan “Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula.” Muli nating balikan ang kaganapan sa Jerusalem, ang pagpapakasakit at kamatayan ni Jesus. Ano rin kaya ang magiging papel natin sa Jerusalem. Marahil ay isa rin tayo sa mga nagkasala sa kanya. Ganun pa man, muli tayong magsimula.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021