Ebanghelyo: Jn 6: 22-29
Kinabukasan napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na dati’y walang ibang bangka doon kundi isa lang at hindi sumakay sa bangka kasama ng kanyang mga alagad si Jesus kundi ang kanyang mga alagad lamang ang magkakasamang umalis. May iba namang malalaking bangkang galing Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay pagkapagpasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpa-Capernaum sa paghanap kay Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan ka dumating?” Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at nabusog kayo. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.”
Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga gawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang gawa ng Diyos: patuloy kayong manalig sa sinugo niya.”
Pagninilay
Ang grupo ng mga taong nakasaksi at nakaranas sa himalang naganap ng “Pagpaparami ng Tinapay” ay patuloy na sumunod at naghanap kung saan naroroon si Jesus! Batid ni Jesus kung ano ang nagtulak sa kanilang paghahanap sa Kanya, kaya sinabihan din sila ni Jesus kung saan nila dapat gamitin ang kanilang pagiging masigasig. Ibinaling ni Jesus ang kanilang isipan at damdamin sa bagay o pagkaing nagbibigay ng walang hanggang kasiyahan na nagmumula sa Diyos. Nagustuhan naman ng mga tao ang inaalok ni Jesus sa kanila, kaya nagtanong sila kung ano ang kanilang nararapat gawin para makamtan ang mga ito. Napakadali lang ang tugon ni Jesus, “patuloy kayong manalig sa sinugo Niya.” Ito rin ba ang hinahangad natin? Ang makamtan ang walang katapusang kasiyahan? Handa ka bang pagsikapan ito? Simple lang ang sinabi ni Jesus upang makamit ito, “manalig sa Kanya”. Ngunit batid natin na ang simpleng pahayag na ito ay hindi madali. Gayunpaman, hindi ito imposible! Pagkakalooban tayo ni Jesus ng lakas ng Espiritu Santo upang patuloy na manalig sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024