Ebanghelyo: Lucas 1:39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth.
Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon?
Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” Ang awit ni Maria
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan.
Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Pinagdiriwang at pinararangalan natin si Maria sa pag-akyat sa kanya sa langit ng ating Panginoon. Ito ay ang bunga nang kanyang katapatan sa Salita ng Diyos, na kanyang tinanggap noong siya’y piliing maging Ina ng Diyos. Dahil sa biyayang ipinagkaloob sa kanya, siya ay muling binuhay ng Diyos at iniakyat sa langit katawan at kaluluwa. Hindi hinayaan ng Diyos na mabulok ang katawan na naging luklukan ng Anak ng Diyos. Si Maria na itinuring na bagong Kaban ng Tipan. Nawa’y lubos nating maunawaan na bagamat si Maria ay pinagkaloob ng Grasya ng Diyos, nananatili siyang tao. Siya’y ating pinararangalan hindi bilang Diyos kundi bilang Ina ng Diyos. Si Maria ay isang paalaala sa atin nang nais ng Diyos na mangyari sa lahat. Ito ay ang makabalik sa kanyang kaharian sa langit. Sa langit dapat nakatuon ang ating isipan. Ito dapat ang inaasam nating maging hantungan pagkatapos ng buhay natin dito sa mundo. Katulad ni Maria, kakayanin din natin makapunta ng langit. Kailangan lang nating pagtagumpayan ang mga pagsubok na darating sa ating buhay. Sa Ebanghelyo, nagdala si Maria ng kapayapaan kay Elisabet sapagkat dala niya sa kanyang buong pagkatao ang Salita. Nawa’y patuloy tayong gabayan ng Mahal na Ina ng Diyos upang mas piliin din natin ang maglingkod habang dinadala natin sa buong pagkatao natin ang Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022