Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-14
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘Ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto.
Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pag dating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
Pagninilay
Kung aanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang pwesto… baka mapahiya ka.” Napakagandang paalala ni Jesus. Totoo naman di ba? May mga pagkakataon na kapag dumadalo ako sa mga handaan, talagang nakakaramdam ako na hindi ako masyadong importante kapag may kailangang umupo sa lugar ko at kailangan ko mag give-way. Nagkakahiyaan na lang, pero mas mahirap kung makikipagmatigasan ka pa. Kung para sa’yo ang upuan at may pangalan mo, walang problema. Pero kung wala ang pangalan mo, mas mabuting matutong magtanong kung saan ka dapat maupo. Huwag pangunahan ang iba at ipilit ang sarili.
Pero ano ang nais ituro sa atin ni Jesus sa pagbibigay Niya ng talinhagang ito nang handaan sa kasalan? Sa tingin ko, isa sa pinakamatingkad ay iyong huwag mong iangat ang sarili mo. Matuto magpakumbaba at huwag iisiping ikaw ay mahalaga kaysa iba. Minsan sa kagustuhan nating i-angat ang sarili, nagmumukha tayong tanga. Ang salitang ANGAT kapag binaliktad ay TANGA. Mapapahiya ka talaga at mapagtatawanan. Huwag mong iisipin na mas angat ka sa iba kung ayaw mong mas magmukhang tanga sa lahat. Laging pairalin ang kapakumbabaan. Matutong tumingin sa paligid. May mga kasama ka. Hindi lang ikaw ang tao sa mundo. Hindi sa’yo umiikot ang mundo.
Hindi mahalaga ‘yong angat ka sa paningin ng mga tao. Hindi importante kung mapansin ka ng mga tao. Ang mahalaga ay kung ang ginagawa mo ba ay mas nag-aangat sa’yo para mas mapalapit sa upuan ng Diyos. Ang nagpapakababa ay iniaangat ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022