Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hindinghindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para maki-pagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
Binigyang-diin sa ebanghelyo ang ating ugnayan sa ating mga kapwa o kapatid sa pananampalataya. Tila ba na ang naging sentro ng mga di pagkakaunawaan ay ang galit, poot at sama ng loob sa kapwa. Sabi nila “natural lang naman ang magalit”. Kapag nakakaranas tayo ng pananakit, pangaapi, panlalapastangan, instinct na natin ang protektahan ang ating sarili at dahil dito nakakaramdam tayo ng mga emosyon kagaya ng galit. Ngunit ito ay may hangganan. Minsan, hinahayaan nating magkaroon tayo ng mga inaalagaang galit sa ating puso. Ito ay ang mga galit na hindi natin inaalis sa ating kalooban, at sa halip na ito ay pahupain, madalas ay atin pang hinahayaan at ginagatungan. Minsan hindi natin namamalayan na itong ating mga inaalagaang galit ang nagiging sanhi ng “kamatayan” – kamatayan ng kapayapaan, pag-ibig, maayos na ugnayan. Maraming ugnayan ang nasisira o nawawasak dahil lang sa mga ‘galit na kinimkim.’ Ganoon din ang ugnayan natin sa Diyos. Pagnilayan natin, “natatabunan na ba ako ng labis na galit at hindi na makapasok ang biyaya ng Diyos sa aking puso?”
© Copyright Pang Araw-araw 2026




