Ebanghelyo: Lucas 5:17-26
Isang araw, nagtuturo siya at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. Gumagawa ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanya na magpagaling. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Jesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila siya idinaan pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Jesus.
Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?”
Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad’? Dapat ninyong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Sinasabi ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At kapagdaka’y tumayo siya sa harap nila, kinuha ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos.
Namangha ang lahat at nagpuri sa Diyos. Nasindak nga sila at sinabi: “Nakakita tayo ng mga kagila-gilalas na bagay sa araw na ito!”
Pagninilay
Pwera kay Jesus, may apat na uri ng tao sa Ebanghelyo. Ang maysakit, ang mga nagdala sa kanya, ang mga Pariseo at ang iba pang mga nakikinig kay Jesus. Dahil sa pagpapatawad ng kasalanan at pagpapalakad sa paralitiko, iba’t iba rin ang mga reaksyon. Ganun na lamang ang kagalakan ng pinagaling na paralitiko. Tuwang-tuwa rin ang mga nagmalasakit na nagdala sa kanya. Ang mga taong nakikinig ay namangha at nagpuri sa Diyos. Ang mga Pariseo at mga guro ng Batas lamang ang masama ang
loob. Bakit si Jesus ay nagpapatawad ng kasalanan samantalang Diyos
lamang ang makagagawa nito? Lingid sa kanilang kaalaman, si Jesus ay ang Ikalawang Persona ng Diyos na naging tao. Kaya Siya ay Diyos.
May mga pagkakataon din na tayo ay nakapaghuhusga nang mali dahil hindi pa lubos ang ating kaalaman. Noon hindi pinapayagan na misahan sa loob ng simbahan ang nagpakamatay. Ngayon alam na natin na maaaring wala sa tamang pag-iisip ang nagpakamatay kaya hindi lubos ang kanyang kalayaan na magdesisyon nang tama. Marami pa rin tayong hindi lubusang nalalaman. Liwanagan nawa tayo ng Espiritu Santo upang magkaroon tayo ng puso at isip na katulad ng sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022