Ebanghelyo: Lucas 1:39-45
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Pagninilay
Mahaba at mahirap ang paglalakbay ni Maria mula sa Nazareth hanggang Ein Karim upang dalawin si Elizabeth na nagdadalang-tao. Ngunit si Maria, na dala-dala sa kanyang sinapupunan ang Diyos, ay kinalimutan muna ang kanyang sarili at nangibabaw ang pagnanais na matulungan ang kanyang pinsan. Dalawang babae na nagagalak sa kadakilaan ng Diyos sa kanilang buhay ang pinagtagpo! Panginoon, habang papalapit na ang Araw ng iyong kapanganakan dito sa mundo, punan mo ako ng pagkasabik at kabutihang loob sa aking puso. Tulad ni Maria, nawa’y maging mapagmahal at mapaglingkod ako sa iba, upang manahan sa piling naming ang iyong dakilang pag-ibig ngayon at magpakailanman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020