Ebanghelyo: Marcos 3:13-19
At umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya.
Sa gayon niya hinirang ang Labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo.
Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina Parang Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Pagninilay
Bago pa man ipadala ang mga apostol upang mangaral, minabuti muna ni Jesus na sila’y “makasama niya.” Ang unang pagsasanay sa pagiging tagapagdala ng Mabuting Balita ay makapiling muna mismo ang Mabuting Balita, si Jesus. Sa panahong iyon na nanatili at kapiling nila si Jesus, nagkaroon ng pagpapalalim ng ugnayan sa isa’t-isa at pagkilala sa kung sino ang Panginoon na kanilang sinusundan. Sa ating buhay Kristiyano, parehas na paanyaya ang makasama natin Siya sa pamamagitan ng pananatili sa kanyang piling; sa ating mga panalangin, sa ating mga pagninilay, pagbabasa ng bibliya. Sa pamamagitan ng mga ito tayo ay binibigyang lakas at biyaya upang makapaghatid ng Mabuting Balita ng may kagalakan. Maipakikilala lang natin si Jesus kung lubusan natin siyang kilala at may malalim na ugnayan sa kanya, kung nakasama natin siya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021