Ebanghelyo: Mateo 5:38-42
Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Pagninilay
Mata sa mata at ngipin sa ngipin”, ito ang pamantayan ng paghihiganti. Binalikan ko ang mga karanasan ko na gumaganti ako kapag nasaktan ako at may ginawang masama sa akin. Masarap at napakadaling maghiganti! Tama lang naman na ibalik sa iba kung ano ang ginawa nila sa iyo: iyan ang pagbibigay-katwiran ko. Pero sa totoo lang, panandaliang kasiyahan lang ang mapapala sa paghihiganti. May naidulot bang kabutihan sa akin at sa pinaghigantihan ko? Wala. Nasira lang ang magandang ugnayan namin. Kitangkita ko na wala akong pinagkaiba sa taong gumawa ng masama sa akin. Malamang ay naitulak ko pa siya na lalong maging masama.
Ang halimbawa ng Unang Pagbasa na para lamang sa isang pirasong lupa, buhay ng tao ang ipinalit ay sadyang karumaldumal. Salungat sa turo ni Jesus na “Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta.” Sa ganitong pag-uugali, mababawasan ang kasamaan at maipangangalat ang kabutihan. Sapagkat ipinaalala sa atin na kung “mata sa mata” ang paiiralin, ang buong mundo ay mabubulag.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022