Ebanghelyo: Mateo 7:1-5
Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Pagninilay
Maaari tayong makapanghusga sa ibang tao nang hindi natin namamalayan. Minsan, nasa ating mga kilos na pala ay panghuhusga na pala sa iba. Halimbawa na lamang ay ang mga “labels” na ibinibigay natin sa mga tao sa paligid natin. Kagaya na lamang ng isang kwento ng lalaking nagbahagi sa isang parish formation. Sinabi niyang bilang isang lingkod, labis na nasasaktan siya na mayroong bansag sa kanila na “taga-PABAHAY lamang ang mga iyan”. Ang konteksto ay kapag galing sa pabahay, hindi mga edukado, hindi marunong sa pagiging lider, at hindi kasing gagaling ng mga nasa ibang subdivision. Panghuhusga rin ang pagkahon natin sa ibang tao. Nagkakaroon na agad tayo ng judgment, prejudice, o bias sa tao bagamat di pa natin talaga sila nakikilala nang lubos. Mas mainam na bago natin ‘ikahon’ ang isang tao, mapakinggan muna natin ang kanilang mga kuwento. Kaya’t pinag-iingat tayo ng Panginoon. Lahat naman tayo ay may kanya-kanyang kapintasan. Huwag natin silipin ang kapintasan ng iba kung hindi naman natin alam ang buong kuwento. Lawakan ang pang-unawa at ang kapasidad na makinig.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





