Ebanghelyo: Mateo 6:19-23
Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!
Pagninilay
“Paano kung mamatay ka bukas? Handa ba ang pamilyang iiwanan mo?” Ito ang kadalasang katanungan ng mga health and life insurance agents. Tila ba nabigla kang harapin ang katotohanan ukol sa iyong kahandaan sa paglisan. Ang kadalasan nating iniisip ay ang ating pisikal na kahandaan. Ngayong araw na ito ay isipin din natin ang ating buhay-espirituwal. Naka”ipon” na ba tayo ng kayamanan sa langit. Nauuso ngayon na kapag tayo ay nakakagawa at nakakaisip ng masama, nababawasan ang ating “langit points”. Ganoon din, kapag tayo ay nakakasalamuha ng ating kapwa, nadadamay pa sila sa kabawasan ng ating “langit points”. Tanungin natin ang ating mga sarili. Ang insurance policy natin sa langit ay di nadadaan sa ahente. Wala rin tayong scoreboard araw araw para ipaalalang nabawasan na naman ang “ligtas points mo sa langit”. Kaya’t ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos ay may kalakip na consistency o palagiang pagpili at nakaugat sa bawat nating iniisip, ginagawa, at nakapaloob sa ating diwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





