Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitangtao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustunggusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nagaayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nagaayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
Marami ngayong masipag mamigay ng mga “ayuda” at kawanggawa sa kapwa lalo na kung ito ay naipopost sa Social Media. Kadalasang layunin lamang ay mapansin o magpasikat sa mga tao. Napakahirap suriin ngayon kung sino nga ba ang kumikilos ng natural at kung sino ang ‘umaarte lamang;’ kung sino ang may busilak na layunin o kung sino ang naghahangad lamang na maiangat ang sarili. Mas mahirap kapag usapin na ng kabanalan. Ito’y dahil ang kilos-kabanalan na nakikita ng mga tao ay dapat tumbasan ng malinis na layunin at kalooban. Hindi ganap ang kabanalan kapag ang panlabas (na itsura o kilos) lamang ang malinis at kapuri-puri samantalang ang kalooban ay nahahaluan ng mababaw o pansariling hangarin. Kumbaga kung gugustuhin ng isang tao, madali siyang magmumukhang banal: magpalitrato lamang habang namimigay siya ng tulong, magdasal sa lugar na madaling mapansin ng tao, o kaya’y magmukhang kawawa kapag nag-aayuno. Subalit hindi iyon sapat na sukatan ng kabanalan. Kinakatok ngayon ang ating mga puso at tinatanong tayo ng Diyos, “Kapag wala nang ibang taong nakakakita sa ating buhay-kabanalan, pipiliin pa rin ba nating maglingkod sa Diyos?”
© Copyright Pang Araw-araw 2026




