Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
Madalas kapag nagkakaroon kami ng mga sharing o pagbabahaginan sa mga grupo sa retreat. Palaging napakagagandang karanasan at ang pagmamahal ng Diyos ang nangingibabaw sa mga sinasambit ng tao. Minsan, nakakalimutan na nating maging “totoo” sa harapan ng Diyos. Be real before God. Ito ang paalaala sa atin ni Jesus. Ang Kaniyang naging panalangin, na sinasambit natin magpasahanggang ngayon – ang Ama Namin – ay ang lubos na nilalaman ng kaniyang puso. Hindi mabubulaklak na salita lamang kundi ang pagbubuhos ng kalooban ng isang anak sa kaniyang Ama. At sa panalanging itinuro sa atin ni Jesus, masasabi nating bawat salita na ipinapaabot natin sa Ama ay nagmumula sa kaibuturan ng ating pagkatao. Ito ay mga salitang may pagkilala sa kadakilaan at kabutihan ng Diyos. Sa panalangin, tumitingala tayo sa Ama at pinupuri natin ang Kaniyang kadakilaan. Ninanais nating ang Kaniyang kalooban ang mamayani sa ating sarili at sa mundo. Ito’y ‘salitang may pagpapakumbaba. Higit na mapapakinggan ng Diyos ang panalanging may kalakip na pagpupuri at pasasalamat sa Kaniya, pagtitiwala at pagpapakumbaba sa Kaniyang kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





