Ebanghelyo: Mateo 7:6, 12-14
Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta. Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.
Pagninilay
Sa ebanghelyo ngayon, walang shortcut o alternative route sa daan tungo sa kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ito ang daan na tanging si Jesus lamang ang makapagtuturo, at ito rin ang daan na tinahak ni Jesus para sa atin. Mabigat lamang isipin na ang daang ito ay ang daan ng pagpapakasakit at kamatayan. Taliwas ito sa mundo na ang laging hanap ay ang komportable at masaganang buhay. Sa kongkretong paraan, mas madaling ipagpabalewala na lamang ang pangangailangan ng kapwa natin. Hindi pa tayo nadadamay at nahihirapan. Ngunit ang daan tungo sa kaligtasan ay nag-aanyaya sa ating magtungo sa mga laylayan at makiisa sa paghihirap at matutong dumamay sa mga pinagdadaanan din ng ating kapwa. Ito ang makipot na daan. Pagsikapan nating dumaan sa makipot na pintuan, at matutuklasan natin sa katapusan na ang ating paglalakbay naman pala ay may bungang hindi matutumbasan ng kasaganaan ng mundo.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





