Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila Siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
Ang Batas at ang mga Propeta sa ebanghelyo ay tumutukoy sa Kasulatan sa Lumang Tipan, ang Torah at ang turo ng mga propeta. May mga nag aakala noong panahon ni Jesus na iba ang kanyang mga itinuturo, na ang mga ito ay labag sa mga itinuro ni Moses at ng mga propeta. Kaya’t nilinaw niya na ang kaganapan ng Kasulatan ang kanyang ginagawa at itinuturo. Pinalalim lamang niya ang ibig sabihin ng mga katuruan noong Lumang Tipan. Halimbawa’y ang pag aayuno. Ito ay isang tanda ng pagiging banal sa mga Judio. Kaya lang kung minsan nagiging panlabas lang o pagpapakitang tao kaya’t nagkomento si Jesus. Ang tunay na nag aayuno ay hindi pakitang tao. Binigyang diin ni Jesus ang kalooban. Ang pag aayuno ay nagmumula sa kalooban ng tao. Ang kalooban ang tinitingnan ng Diyos hindi ang pagpapasikat. Isa lamang ito sa maraming halimbawa ng turo ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020