Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwahiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagninilay
Ayon kay San Antonio Maria Claret, “ang isang misyonero ay isang taong nagaalab sa pag-ibig ng Diyos, at sino mang makakatanggap sa apoy ng pag-ibig ng Diyos ay pupunta kahit saan.” Ito dapat ang ating maging batayan upang ating maisakatuparan ang tungkuling iniatas sa atin ng Panginoon na ipamalas ang pag-ibig ng Diyos sa lahat. Ito ang apoy ng pag-ibig na dinala ni Jesus sa mundo. “naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana’y magliliyab na ito.” Sa aking karanasan, napakahirap tanggapin ang isang tawag sa misyon nang walang pag-ibig. Sinabi kong “Oo” sa misyon dahil mahal ko ang Diyos at ang mga tao. Kahit na sa pang-araw-araw na mga gawain kung hindi sa ngalan ng pag-ibig ng Diyos, mabigat ang iyong pakiramdam at palaging mainit ang iyong ulo. Habang nagdarasal ako at nagninilay nang tahimik, sumagi sa aking isipan, “sino nga ba ang aking pinaglilingkuran?” Nawa ang pag-ibig ni Kristo ang naghahari sa atin (2 Cor. 5:14). Naisin nating mamuhay ng isang makabuluhang buhay na magiging pagpapala sa lahat, lalo na sa inaapi at sa mga inaalipusta.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021