Ebanghelyo: Mt 25: 31-46*
(…) Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya pag-hihiwa-hiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ (…)
Pagninilay
“Sa takipsilim ng ating buhay, sa pag-ibig tayo hahatulan.” Ito ang pagninilay ni San Juan de la Cruz. Nakabatay ito sa ebanghelyo sa araw na ito na ukol sa paghuhukom sa bawa’t isa. Iisa lamang ang batayan upang tayo ay tanggapin sa langit — ang ating pag-ibig sa kapwa. Gaano ba tayo nagmahal sa kanila? Anuman ang ating gawin sa kapwa ay ginawa natin sa Panginoon. Kapag pinakain natin ang isang dukha, sa Panginoon tayo nagdulot ng pagkain. Kapag dinalaw natin ang isang bilanggo, ang Panginoon ang ating pinuntahan. Kapag pinatuloy natin ang ating kapwa, ang Panginoon ang hinandugan natin ng tahanan. Sa kapwa ay nalalarawan ang mukha ni Kristo. Sa pagharap natin sa Panginoon, hindi niya itatanong kung gaano tayo kayaman. Hindi tayo tatanungin ukol sa ating pinag-aralan. Ni hindi rin aalamin kung ilang Misa ang ating dinaluhan o gaano kadalas tayong nagdasal. Ang mahalaga lamang ay ang pag-ibig na ating ibinahagi at ipinadama sa kapwa. Tama si San Juan de la Cruz, “In the evening of our life, we shall be judged in love.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024