Ebanghelyo: Mateo 7:21-29
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan! Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
Pagninilay
Tinuturo ni Jesus na hindi sapat ang magsabi ng “Panginoon, Panginoon” upang maligtas, kundi kailangang isabuhay ang Kaniyang mga salita. Inihalintulad niya ang taong sumusunod sa Kaniyang turo sa isang matalinong tao na nagtayo ng bahay sa matibay na pundasyon. Dito natin
makikita na ang tunay na pananampalataya ay hindi lang nasa salita kundi sa gawa. Pundasyon ng atin buhay pananampalataya ang ating mga ikinikilos. Ilang araw na lamang ay matatapos na ang buwan ng Hunyo. Balikan ang nakaraang buwan at pagnilayan natin kung ang atin bang pagsunod ay nasa panalangin at pagsimba lamang o ito ay nakikita rin kung paano ka nakikisalamuha sa bawat taong iyong nakakadaupang-palad. Hamon sa atin ngayon, ano ang pundasyon ng ating buhay? Matibay ba ito sa pagsunod kay Kristo o madaling magiba sa tukso at pagsubok? Sa ating pamilya, trabaho, at komunidad, tunay ba nating isinasabuhay ang kalooban ng Diyos? Nawa’y huwag tayong makuntento sa pananalita lamang kundi gawin natin ang Kaniyang aral upang ang ating buhay ay maging matatag at pinagpala.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





