Ebanghelyo: Lucas 1:57-66, 80
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat:
“Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usapusapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isipisip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.
Pagninilay
Ngayong Kapistahan ni Juan Bautista, pagnilayan natin ang kanyang buhay bilang tagapaghanda ng daan ni Jesus. Una, si San Juan Bautista ay isang taong mapagpakumbaba. Sa kabila ng kanyang malaking papel sa plano ng Diyos, sinabi niya, “Kinakailangang Siya (Jesus) ay maging dakila, at ako nama’y mabawasan” (Juan 3:30). Tinuturuan tayo na huwag ipagmalaki ang ating sarili kundi itaas si Kristo sa ating buhay. Ikalawa, si Juan Bautista ay matapang na tagapagpahayag ng katotohanan. Hindi siya natakot sa mga makapangyarihan, kahit na ito’y humantong sa kanyang kamatayan. Sa mundo ngayon na pinatatahimik ang mga nagsasabi ng totoo, matuto nawa tayong sumandig at manindigan parin sa katotohanang nakaugat sa Diyos. Ikatlo, si San Juan Bautista ay namuhay ng payak at banal na nagpapakita na hindi materyal na bagay ang tunay na mahalaga kundi ang
pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang daan tungo sa kabanalan ay nakikita sa ating payak at banal na buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





