Ebanghelyo: Lc 6: 27-38*
Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahangahanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. (…)Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan;(…)huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuOs sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.“
Pagninilay
Isa sa malaking pagkakaiba ng Hudaismo sa Kristiyanismo ay kung paano tinitingnan ang kasamaan. Sa Lumang Tipan, na tinatawag din na Biblia ng mga Hebreo, umiiral ang “mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Samantala, sa Bagong Tipan, ang turo ni Jesus na ang umiiral, “mahalin ninyo ang inyong mga kaaway (Lucas 6:27-38).” Kung bibigyan natin ng sapat na pagmumuni-muni, mauunawaan natin na para sa Simbahang itinatag sa Ngalan ni Jesus, ang kasamaan ay hindi dapat suklian ng kasamaan, bagkus ng kabutihan. Mas maliwanag na mas makatuwiran at maka-Diyos na bayaran ang kasamaan ng kabutihan. Ito lamang ang makapagpapatigil sa walang katapusang ikot at pagkapilipit ng karahasan at kasamaan sa mundo. Ang daan na ibinunyag ni Jesus para sa lahat ng mga sumusunod sa Kanya ay isang landas na patungo sa pagpapalago ng kultura ng kapayapaan at walang karahasan. Ang pwersa ng pag-ibig, pagmamahalan, at kapatawaran ay tanging pag-asa ng mga taong nakaranas ng kalupitan at karasahan na dulot ng digmaan, pag-aaway away, at patayan. Ang Diyo ay Diyos ng buhay at hindi ng kamatayan. Siya ang Diyos na ibinunyag ni Jesus sa mundo. Siya lang ang tunay na tagapagligtas at pagasa ng buong sangkatauhan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024