Ebanghelyo: Mateo 25:31-46
“Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwal hatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa ma luwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwahiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa.
“Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pina inom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’
At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’
“Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko tungo sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di ninyo binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di ninyo binisita.’”
Kaya itatanong din nila: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo, at di ka namin pinaglingkuran?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang di ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.’
At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
Pagninilay
Nagmamasid tuwina ang Panginoon sa ating mga gawa habang patuloy tayo sa paglalakbay ng buhay. Sa katapusan, tayo ay huhusgahan batay sa ating gawa at relasyon sa kapuwa lalo’t higit sa mga maliliit nating kapatid. Hindi tayo huhusgahan sa dami ng ating yaman o ariarian o sa mga karangalan na ating natanggap sa mundo. Ang Panginoong mahabagin at matuwid ang hahatol kung tayo’y naging mahabagin, mapagmahal at maawain sa mga nasa laylayan ng lipunan – ang mga dukha, nagugutom, nauuhaw, maysakit, dayuhan at bilanggo. Sila ang mga malapit sa Panginoon na marapat nating bahaginan ng biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Isang hamon ang maging mukha ng awa ng Diyos sa mundo. Nawa’y kalugdan tayo ng Panginoon hindi sa dami ng bunga ng lupa na ating inani at tinipon, kundi kahit sa isang dakot ng bigas na buong pusong ibinigay sa ating kapuwa na nagugutom.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023





