Ebanghelyo: Lucas 24:35-48
At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.
Pagninilay
“May makakain ba kayo rito?” May nakapagsabi sa akin na isang matandang lalaki sa kabundukan ng Surabay sa Zamboanga Sibugay na “Napakadali ng lakbayin mula sa buhay tungo sa kamatayan, nguni’t napakahaba naman ang paglalakbay mula sa kamatayan patungo sa buhay!” Sa isang iglap ng pagbabalik-tanaw, isang araw ng katuparan lang ang nagdala kay Jesus sa pag-aalay ng kaniyang buhay para sa kaligtasan ng lahat. Pero inabot ng tatlong araw upang matupad ang kasulatan sa kaniyang Muling Pagkabuhay. Sa gayong kaganapan, ikaw nga ay magugutom. Ang Panginoong naghanda ng huling hapunan para sa atin ay nagutom at humihingi sa atin ng makakain. Bigyan natin siya ng pagkain na kaniya ring ibinigay sa atin. Mula sa ating kaloob at taos-pusong naiimbak sa ating buhay. Pakanin natin siya ng may taimtim na kagalakan. “Halika Panginoon kumain ka!” Ito’y napakahalagang pagbabahaginan ng Panginoon at ng kaniyang mga saksi. At dahil tayo’y kaniyang unang pinakain, tayo ngayon ang naghahanda para sa kaniyang bankete. Mula ngayon, tayo’y hahayo at magpapakain sa buong sanlibutan ng pagkaing kaniyang ipinagkaloob… Ang Panginoong Jesus ang Tinapay ng Buhay!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





