Ebanghelyo: Marcos 12:18-27
Lumapit naman kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli, kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, kung mabubuhay silang muli, kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sumagot si Jesus: “Di kaya bunga ng di ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit. At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanata ng palumpong: Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.”
Pagninilay
Ipinaliwanag ni Jesus na ang buhay sa muling pagkabuhay ay iba sa buhay dito sa lupa. Sa langit, wala nang kasal, sapagkat tayo ay magiging katulad ng mga anghel. Ang buhay sa piling ng Diyos ay espiritwal at ganap, malaya mula sa mga limitasyon ng pisikal na mundo. Inaanyayahan tayong lawakan ang pang-unawa at pagtugon sa misyon ng Diyos. Tuwing tayo ay nagiimpok ng makamundong bagay, ito ay pansamantala lamang. Ang hamon sa atin ngayon ay mag-impok ng mga makalangit na bagay. Gaano ka nagmamahal sa kapwa? Gaano ka nagpapatawad? Gaano ka nakikinig sa mga nahahapis? Gaano mo pinatuloy sa iyong puso yaong mga nangangailangan ng pakikiramay? Ito ang mga katanungang dapat nating pagnilayan sapagkat ang mga bagay dito sa daigdig ay pansamantala lamang. Hinihimok ni Jesus ang mga tao na ituwid ang kanilang pang-unawa sa konsepto ng kalangitan at muling pagkabuhay. Sa ating buhay ngayon, ganoon parin ang panawagan sa atin. Tayo ba ay naghahanda para sa buhay na ganap kapiling ang Diyos?
© Copyright Pang Araw-araw 2026





