Ebanghelyo: Marcos 6:17-29*
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. (…) At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagninilay
Sa ebanghelyo, makikita natin ang mga aral ng integridad, kahinaan ng tao, at ang mga panganib ng maling pangako. Ang dalawang mukha na ipinakita ni Herodes ay nagpapakita nang pagaalinlangan ng tao sa paggawa ng tama kapag nahaharap sa personal na interes at pangako. Kahit pa nababatid ni Herodes ang kabanalan ni Juan, mas pinili niyang isalba ang sarili sa kahihiyan at mawalan ng mukhang ihaharap sa mga panauhin kaysa sundin ang kalooban ng Diyos. Ang trahedyang ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng moral na integridad at paninindigan sa katotohanan, kahit pa ito’y magdulot ng kahirapan o panganib. Bilang mga Kristiyano, tayo ay tinatawag na maging tapat sa lahat ng aspeto ng ating pananampalataya, kahit na sa harap ng mga pagsubok at tukso. Ang kabayanihan ni Juan Bautista ay isang inspirasyon upang tayo ay maging matapang sa pagpapahayag ng katotohanan at pamumuhay ayon sa mga aral ni Kristo.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





