Ebanghelyo: Lucas 7:36-50
Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya kaya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. Nang malaman nitong si Jesus ay nasa hapag sa bahay ng Pariseo, nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Tumayo siya sa likuran, sa may paanan ni Jesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong kumumbida sa kanya, naisip nito: “Kung propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya – isa ngang makasalanan!” Ngunit nagsalita sa kanya si Jesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot
ito: “Guro, magsalita ka.” At sinabi niya: “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. Ngunit wala silang maibayad kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?” Sumagot si Simon: “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tama ang hatol mo.” At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik niya sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo ngunit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang nang kaunti ang pinatatawad nang kaunti.” At sinabi naman ni Jesus sa babae: “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.” At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag: “At nangangahas ang taong ito na magpatawad ng mga kasalanan!” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.”
Pagninilay
Madalas tayong nahuhulog sa tukso ng paghusga sa iba batay sa kanilang nakaraan o mga kahinaan. Minsan, tulad ni Simon, nakakalimutan natin na tayo mismo ay nangangailangan din ng awa at kapatawaran ng Diyos. Ang mensahe ng ebanghelyo ay nagpapahiwatig na ang tunay na pagsisisi at pananampalataya ang nagbibigay daan sa walang hanggang pagmamahal ng Diyos. Ang pagkilala sa sariling kahinaan ay isang mahalagang hakbang tungo sa kaligtasan. Ang Diyos ay laging handang magpatawad basta’t lumalapit tayo sa Kaniya nang may kababaang-loob at tunay na pagsisisi. Sa huli, tinuturo ng ebanghelyo na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nababatay sa ating mga nagawa, kundi sa ating kakayahang magsisi at manampalataya. Tulad ng babae sa ebanghelyo, ang kaligtasan ay matatamo natin sa pamamagitan ng pananampalatayang nagbubunga ng pagmamahal at pagpapakumbaba.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





