Ebanghelyo: Lucas 6:43-49
Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso. Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon. At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
Pagninilay
Minsan, ang ating pananampalataya ay naipapahayag lamang sa salita ngunit hindi naman nasasalamin sa ating mga gawa. Ito ang paalala ni Jesus: hindi sapat ang mga magagandang sinasabi, kailangan itong makita sa ating pamumuhay. Kung ang ating mga puso ay puno ng biyaya at pagmamahal ng Diyos, ang ating mga gawa ay magbubunga ng kabutihan at katarungan. Gayun din naman, binigyang diin ni Jesus ang importansya ng pagtatayo ng ating buhay sa matibay na pundasyon, tulad ng isang bahay na itinayo sa bato. Kung ang ating pananampalataya ay matibay at nakaugat kay Kristo, tayo ay hindi basta-basta magigiba ng mga pagsubok o unos. Ngunit kung tayo’y magtatayo ng buhay sa mababaw na pananampalataya, mabilis tayong babagsak kapag dumating ang problema. Tayo’y inaanyayahan ni Jesus na isabuhay ang ating pananampalataya, upang makita sa ating mga gawa ang bunga ng mabuting puso na nakaugat sa kaniya.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





