Ebanghelyo: Lucas 13:1-9
Dumating naman ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga- Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punongigos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.”
Pagninilay
Kinatatakutan natin ang maging inutil. Sa pamantayan ng mundo, ang mga taong walang silbi ay walang halaga. Subalit iba ang pananaw ng Diyos. Sa kanya, lahat ay may kakayahang mamunga. Lahat ay may pagkakataong magpanibago. Ito ang aral mula sa talinhaga ng punong igos. Nang makita ng tagapag-alaga na tatlong taon na itong walang bunga, nais na niya itong putulin. Subalit iba ang saloobin ng may-ari: may pag-asa pa. Nais niyang bigyan ito ng pagkakataon. Ganito ang pananaw ng Diyos. Sa kanya, hindi mahalaga ang nakaraan. Ang mahalaga ay ang malaking posibilidad ng kabutihan na pwedeng mangyari sa ating buhay sa hinaharap. Sabi nga, “every sinner is a potential saint.” Ang mabungang buhay ay di lang nakabatay sa magagawa ng tao, kundi sa maaaring magawa ng Diyos sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





