Ebanghelyo: Juan 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi Niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita Niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli Niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan Niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa Kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman Niya: “Maliban lamang na makita sa Kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran Niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang Kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna. At sinabi Niya: “Kapayapaan sa inyo!” At sinabi Niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa Kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” Sinabi sa Kanya ni Jesus: “Dahil
ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.” Ngayon, marami pang ibang tandang ginawa si Jesus sa harap ng Kanyang mga alagad, na hindi naman nasusulat sa kasulatang ito. Isinulat naman ang mga ito upang maniwala kayo na
si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos. At sa paniniwala ninyo’y magkaroon kayo ng buhay sa bisa ng Kanyang Pangalan.
Pagninilay
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesucristo ay nagdadala sa atin ng kapayapaan. Siya ay ang tangi nating pag-asa. Ang kanyang Muling Pagkabuhay ay nag-aanyaya na manalig at magtiwala sa Diyos Ama na siyang nakapagbibigay ng tunay na kapayapaan. Ang misyong iniatas ng Ama kay Jesus ay napakahalaga. Si Jesus ay naging daan upang makamit natin ang tagumpay laban sa nagnanais na mapaghiwalay tayo sa landas ng Panginoong Diyos. Si Jesus ay ang ating sandigan – ang natatanging tunay na daan, buhay at kapayapaan. Ipinakita niya ang tunay niyang katauhan at kung saan siya nagmula. At kahit pa paulit-ulit na binanggit ni Jesus ang kanyang pagkakilanlan sa mga alagad at hindi pa rin nila ito lubos na naunawaan; pinunan niya ng kasagutan ang anumang humahadlang sa kanila upang maniwala. Ganun din sa atin, tanging kay Jesus lamang natin matatagpuan ang kaliwanagan. Siya na Bukal ng Awa, ang ating Panginoon at Tagapagligtas.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020