Ebanghelyo: Mateo 13:24-43
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.” Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay, at parang isang puno – dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.” At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!
Pagninilay
Maraming aral ang matutuhan natin sa ebanghelyong ito – mahalagang aral tungkol sa paghahari ng Diyos at kung paano ito lumalago sa mundo. Sa kabila ng pagkakaroon ng kasamaan, ang mabuting binhi ng Diyos ay patuloy na lumalago sa mga taong tapat sa Kaniya. Ipinapakita ng talinhagang ito na hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa kahit na tila napapaligiran tayo ng mga pagsubok o kasamaan. Isang mahalagang paalala rito ay ang pagtitiis at pagtitiyaga. Hindi natin agad-agad makikita ang buong kaganapan ng plano ng Diyos sa ating buhay o sa mundo, ngunit kailangan nating magtiwala na sa takdang panahon, ihihiwalay ng Diyos ang mabuti sa masama. Huwag tayong panghinaan ng loob kung hindi agad nating nakikita ang bunga ng ating pagsisikap, sapagkat ang Diyos ang nagtutuwid at nagtatama ng lahat sa tamang panahon. Ang pananampalataya sa Panginoon ay tulad ng isang maliit na buto ng mustasa. Maaari itong magsimula sa maliit, ngunit sa paglipas ng panahon, lumalago ito at nagiging matatag, nagbibigay ng silungan at suporta sa iba. Ipinapaalala nito na kahit maliit ang ating kontribusyon, kapag pinagsama-sama at iniaalay sa Diyos, malaki ang nagiging epekto nito sa lipunan. Sa ating pang-araw-araw na buhay, hinahamon tayo ng ebanghelyo na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, at ipagkatiwala ang ating mga gawa sa Diyos. Siya ang magpapatubo at magbibigay ng tagumpay sa lahat ng ating pagsusumikap.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





