Ebanghelyo: Jn 14: 7-14
Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa kanya si Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.
Pagninilay
Si Jesus ang unang Sakramento ng banal na Presensiya ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Katauhan, nakikilala natin ang Diyos. Sa pamamagitan Niya, nilalapit tayo sa Diyos at ang Diyos sa atin. Sa Kanyang Pagkatawang-tao nakikita nating ang mukha ng Diyos, naririnig ang Kanyang tinig at nararamdaman ang Kanyang banal na mga haplos at mga yakap…natititigan natin Siya! Ito ang pilit at nais na pinapakilala ni Jesus sa atin hindi lamang sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita ngunit higit sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Kaya sinasabi Niya, na kung hindi natin mapaniwalaan ang kanyang Pagkatao bilang Diyos, sa Kanyang mga gawa nakikita nasusukat kung ano ang Kanyang tunay na pagkakakilanlan. Sinisiguro ni Jesus na kung sino man ang nananalig sa Kanya bilang Dios, dahil ito’y nangangahulagan na Siya din ay nagmumula sa Diyos, magagawa niya din ang ginagawa ni Jesus dahil si Jesus mismo ang Siyang magkakaloob nito. Manalig tayo kay Jesus at anuman ang ating hihilingin na nakapagbibigay Kaluwalhatian sa Diyos Ama ay ipagkakaloob Niya sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024