Ebanghelyo: Jn 16: 5-11
Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta, kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis. hinding-hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
Pagninilay
Naunawaan ni Jesus kung gaano Siya kahalaga sa buhay ng Kanyang mga disipulo. Kung gaano kahirap para sa kanila ang mawala Siyang muli sa kanilang piling. Marahil, ramdam din ni Jesus ang sakit na iiwanan sila ngayong naging mas mapanatag na sila sa Kanyang Muling Pagkabuhay! Ngunit, hindi maaaring maging hadlang and kanyang pisikal na presensiya sa kanila. Dahil batid Niyang kailangan nilang maranasan din kung paano mamuhay sa kanilang sariling paa baon at dala-dala ang kanilang mga nasaksikhan sa Kanya. Pero bago ang lahat, ginawa ni Jesus ang lahat ng paghahanda, pagpapaliwanag, lahat ng payo at paalala. At higit sa lahat, nagtiwala si Jesus na sa pamamagitan ng Espiritu Santo mas magiging maliwang ang lahat para sa kanila!
© Copyright Pang Araw-Araw 2024