Ebanghelyo: Jn 16: 12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan. Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay
Nakasaad sa Ebanghelyo na kailangang lisanin ni Jesuskristo ang sanlibutan, upang ang Kanyang mga tagasunod ay matutong umasa sa kakayanan ng Banal na Espiritu. Sa kabila ng lahat ng paliwanag, batid ni Jesus na may mga bagay na hindi naabot ng pang-unawa ng Kanyang mga alagad. Ganun din sa ating karanasan sa buhay. May kasibihan na, “Mauunawaan at makikita lamang natin ang halaga ng isang bagay o ng tao kung ito’y wala na sa iyo.” Maging ang bagay na ito ay sinasabi rin ni Jesus sa kanila. Ito rin ang nais Niyang maunawaan at makita natin. Hindi lahat ng paglisan ay kailangan nating pigilan o katakutan. Dahil dito natin matatagpuan o mauunawaan ang mahahalagang bagay – ang katotohan na siyang magpapalaya sa ating puso’t isipan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024