Ebanghelyo: Mateo 16:24-28
At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alang-alang sa akin ang makakatagpo nito.Anoang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala?
Ano ang maibibigay niya para mabawi ito?
Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
Pagninilay
Marami pa rin ang mapagsamantala. Marami pa rin ang matitigas ang ulo. May mga tao pa ring nakakaisip gumawa ng panlalamang sa kapwa. Di tuloy natin maiwasan ang pag-isipan na sila ang mga taong makasarili o ang iniisip lang ay ang kanilang mga sarili. Pero, gagayahin ba natin sila? Bagamat napakahirap ng buhay at mabuhay sa ngayon, ang panawagan sa atin ni Jesus ay “limutin ang ukol sa sarili at pasanin ang Krus”. Kaya isang magandang pagkakataon na pagnilayan natin kung para saan at para kanino ang ating mga ginagawa? Ang pagtatrabaho mo ba ay para sa iyong pamilya o para sa sarili mo lang?
Kaya’t hinahangaan ko ang mga taong kahit na buwis-buhay ang kanilang trabaho, katulad ng mga “frontliners”, ay sige pa rin sila sa pagpasok dahil marami ang umaasa sa kanila. Handa silang magsakripisyo kahit hindi nila makita at mayakap ang kanilang mga pamilya dahil iyon ang tawag ng kanilang tungkulin. Hinahangaan natin ang mga OFW na nag-aalaga ng ibang tao sa ibang bansa para makatulong hindi lang sa kanilang mga pamilya gayundin para sa ating bansa. Mas inuuna nila ang iba bago ang sarili. May pangako naman si Jesus, na pagdating ng panahon, gagantihan Niya tayo ayon sa ating mga ginawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022