Ebanghelyo: Juan 12:24-26
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, namamalaging nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito namamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay ito, nagdudulot ito ng maraming bunga. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito ngunit iingatan naman ito para sa buhay magpakailanman ng napopoot sa kanyang sarili sa mundong ito. Patuloy akong sundan ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako, naroon din ang aking lingkod. Kung may naglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.
Pagninilay
Naging martir si San Lorenzo noong taong 258 sa panahon ni Valeriano, isang Romanong emperador na tumutugis ng mga kristiyano. Isa si San Lorenzo sa pitong diyakono ni Papa San Sixtus II, na pinapatay rin ng mga Romano mga ilang araw bago namatay si San Lorenzo. Kahit na iilan lamang ang nakasaksi ng kamatayan nila sa Roma noon, marami pa ring mamamayan sa buong Imperio ang naging Kristiyano dahil sa pagpapatotoo ng mga martir na ito. Para sa mga nakaranas ng pagmamahal ni Jesus at nais maglingkod sa kanya ng lubos, handa nilang itakwil ang lahat ng hadlang, pati na rin ang sariling buhay kung kinakailangan. Isang butil ng trigo na nahulog sa lupa at lumago ang gaya ni San Lorenzo; nagdulot ng maraming bunga ang kaniyang pagiging martir sa mga nagbagong buhay, nagpabinyag at sumusunod kay Kristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020