Ebanghelyo: Mt 18: 1-5, 10, 12-14
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
“Pagkat ang Diyos natin, Diyos ng pag-ibig.” Ito ang isang linya sa isang awiting kinakanta sa mga pagdiriwang ng mga sakramento sa simbahan. Mahal ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at bawat isa ay may halaga sa Kanya. Ang lahat ay may dahilan kung bakit pinagkalooban Niya ng buhay. Sa napakalaking puso ng Diyos, lahat ay may puwang lalonglalo na ang mga maliliit at mga balewala sa lipunan, gaya ng mga bata o mga dukha, ang mga may kapansanan, ang mga pangkaraniwang tao, at ang mga makasalanan na nagnanais magbago. Patuloy at walang tigil ang paghahanap ng Diyos sa mga naliligaw ng landas, o sa mga lumilihis sa Kanyang kalooban. Hindi titigil ang Diyos na yayain at hikayatin ang sinumang lumalayo sa kanya para mabigyan ng pagkakataon na makapagbagong buhay at magbalik-loob sa Kanya. Napakalaking kawalan sa tao kung tatalikuran niya ang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang napakagandang plano sa buhay na paparating. Nararapat lang na pagbuksan natin Siya ng ating puso. Nang sa gayon, mabigyan tayo ng Kanyang Espiritu na piliin natin ang Diyos na pinakauna at pinaka prayoridad ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024