Ebanghelyo: Mateo 20:20-28
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo,inilalarawan ang tipikal na ambisyosang ina na walang atubiling lalapit sa may kapangyarihan upang mailagay sa pwesto ang kanyang mga anak. Pero ipinakita ni Jesus ang tunay na kahulugan ng pagiging isang tagasunod sa kanya at itinuro niya na ang Kanyang kaharian ay iba sa mga pamantayan ng mundo. Ang pagiging dakila sa mata ng Diyos ay hindi nasusukat sa posisyon o kapangyarihan kundi sa pagiging mapagpakumbaba at handang maglingkod. Ang paghahari ni Jesus ay hindi batay sa dominasyon kundi sa pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng iba. Ito ay isang paalala na ang tunay na kadakilaan ay matatagpuan sa paglilingkod, lalo na sa mga pinakamahina at pinakamaliit sa ating lipunan. Tinawag tayo ni Jesus na maging tulad Niya—isang alipin na nag-alay ng kaniyang buhay upang tubusin ang marami. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahang tularan ang kaniyang halimbawa sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na buhay. Ang ating hangarin ay hindi dapat nakatuon sa personal na kapakinabangan o karangalan, kundi sa pagbuo ng isang komunidad na nagmamahalan, nagdadamayan, at naglilingkod sa isa’t isa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





