Ebanghelyo: Mateo 10:1-7
Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman.
Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay:
‘Palapit na ang kaharian ng Langit.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo kahapon, si Jesus ay naglibot sa iba’t ibang lugar. Doon ay nakita niya ang napakaraming tao na lupaypay at nalilito. Tila mga tupang walang pastol. Kaya winika niya na “marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa…”
Sa araw na ito, itinalaga ni Jesus ang labindalawang alagad upang makatulong sa kanyang gawain at misyon. Pinangalanan sa Ebanghelyo ang mga apostol. Sa kanilang mga pangalan, malalaman natin ang kanilang mga pagkatao at ang kanilang mga pinagmulan. Sa kabila ng kanilang mga kakulangan, kahinaan at kasalanan, ay pinili at hinirang sila para maging mga alagad. Isang pagpapaalala na anuman ang katayuan natin sa buhay, hindi ito hadlang upang sumunod kay Jesus. Dahil ang totoo, hindi naman sa ating mga kahusayan at kahinaan kaya tayo tinitingnan nang Diyos para maging “qualified” sa misyon. Wala tayong magagawa sa ganang sarili lang natin. Ang Diyos ang tumatawag sa atin kaya kailangan lang natin na magtiwala at sumunod sa kanya. Doon lang tayo magtatagumpay sa ating misyon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022