Ebanghelyo: Marcos 12:38-44
Kaya sinabi niya sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.” Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. Maraming mayamang nagbigay ng malalaking halaga. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila, ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya – ang mismong ikabubuhay niya.”
Pagninilay
Wala sa kung gaano kalaki o kaliit ang ating inialay sa Diyos. Ang mahalaga ito ay galing sa puso. Ang pag-aalay ay tanda ng pagkakilanlan at pasasalamat natin sa kagandahangloob ng Diyos. Kung iisipin, hindi na kailangan ng anuman ng Diyos sapagkat lahat naman ay galing sa kanya. Ngunit ang pag-aalay ay isang pagkilos natin bilang pagpupuri at pagpapasalamat sa Diyos. Ang paghahandog sa Diyos ay hindi dapat pakitang-tao. Ito’y nararapat na tunay na ninanais ng ating puso. Mag-alay tayo sa Diyos hindi dahil labis-labis ang ating yaman, ngunit mag-alay tayo sa kanya dahil ito ang sinasabi ng ating puso at dahil iniibig natin ang Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020