Ebanghelyo: Juan 3:16-18
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
Pagninilay
Maliwanag sa ebanghelyo ngayon kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ipinadala ng Ama si Jesus. Ito ay hindi para hukuman ang mundo, ngunit upang ito’y iligtas sa pamamagitan niya. Hinihikayat ang lahat ng tao na sumampalataya sa kanya dahil sinumang nanalig sa kanya ay hindi huhukuman. Ipinakilala ni Jesus ang Ama sa atin at ang lahat ng winika niya tungkol sa Ama ay galing sa Ama. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, tayo ay iniligtas at natanto natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Hindi madali ang ginawa ni Jesus, ang kanyang misyon sa buhay, ngunit batid niya ang kadahilanan kung bakit siya naparito sa mundo. Nababatid niya na hindi madali para sa mga tao ang paniwalaan lahat ng kanyang mga sinabi, pero patuloy siyang umaasa na bubuksan natin ang ating puso’t isipan para sa pagkilala sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020