Ebanghelyo: Mateo 7:1-5
Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Pagninilay
Bilang mga tao, tayo ay natutuksong manghusga sa iba kapag ang mismong basehan ng pagiging perpekto o ideyal na tao ay ang ating mismong sarili. Sa aspeto ng katapatan, binabatikos natin ang mga magnanakaw sa gobyerno dahil tayo ay hindi “corrupt” sa ating trabaho. Ngunit, naisip ba natin na hindi tayo perpekto at meron ding ibang aspeto ng ating buhay na tila pwede ring batuhin ng ibang tao? Hindi nga tayo nagnanakaw ngunit hindi naman tayo nagpapasweldo ng nararapat at makatarungan. O kaya, nagpapasweldo tayo ng tama ngunit minamaltrato naman natin ang mga taong ating nasasakupan. Malalampasan lang natin ang tukso ng panghuhusga kung may pagtanggap sa ating sarili na tayong makasalanan din ay nangangailangan ng pagtatama. Mas lalong lalago ang ating buhay Kristiyano kung ikukumpara natin ang ating sarili sa buhay ng ating Panginoong Jesucristo at hindi sa ibang tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021