Ebanghelyo: Lucas 11:47-54
“Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa mga propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang mga propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon.” (Sinabi rin ng Karunungan ng Diyos:) “Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kaya’t papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. “Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.” Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na makipagtalo sa Kanya. Pinapagsalita nila Siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi Niya.Pagninilay
May kasabihan, “Ano mang maling bagay na ginagawa ng matanda, sa mata ng isang bata ito ay nagiging tama.” Madalas na natututo ang isang bata sa pamamagitan ng halimbawa ng mga nakatatanda. Paano na lamang kung hindi magandang halimbawa ang ipinapakita ng isang nakatatanda? Paano kung sa murang edad ay mulàt na ang isang bata sa bisyo, nakaririnig na ng masasamang salita at nakasasaksi na ng maling gawa? Handa na ba nilang unawain na maaari lamang nilang pakinggan ang mabubuting salita ngunit huwag gayahin ang masasamang gawa? Kung tinutuligsa man natin ang bagong henerasyon na naliligaw ng landas, hindi kaya sapagkat tayo mismo ay “hindi pumasok at hinadlangan pa ang makakapasok” sa pinto ng karunungan? Pagsikapan nating maging mabuting halimbawa.© Copyright Pang Araw-Araw 2019