Ebanghelyo: Jn 16: 20-23
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim. Naninimdim ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang tao ang isinilang sa mundo. Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa inyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.
Pagninilay
Ang pagdadalamhati ay nagpapahayag ng matinding sakit at kalungkutan kung ang isang taong pinakamahalaga sa ating buhay ay mawawala. Ito ay naunawaan ni Jesus, at batid din Niya na pagkatapos nilang malampasan ang yugto na ito ay may naghihintay na mas higit pang bagay na magpapaligaya sa kanila. Kaya’t hindi tayo maaaring malugmok sa pagdadalamhati o sa matinding kalungkutan lamang, ngunit sa pag-asa na may mas higit na bagay pang nakalaan sa hinaharap. Katulad na lang sa kadalasang nararanasan ng mga pamilya kung saan may kailangang lumisan at maghanapbuhay sa ibayong dagat upang magkaroon ng mas masaganang buhay. Batid ng pamilya and dahilan ng paglisan ngunit sa oras ng pag-alis nariyan ang sakit at lungkot. Ito man ay nauunawaan ng Diyos, lalo na kung ano ang ating mga pinagdadaanan. Ngunit nariyan ang kanyang pangako na hindi niya tayo pababayaan. Kaya dapat patuloy tayong manalig at kumapit sa Kanya sa kabila ng sakit at kahirapan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024