Ebanghelyo: Lucas 12:35-38
Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi Siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pag dating Niya at pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating Niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot Niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man Siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan Niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!
Pagninilay
Pinaaalalahanan tayo ni San Lucas sa kanyang ebanghelyo na ang buhay Kristiyano ay ang pagiging ‘gising’ at ‘alerto’ sa ano mang bagay. Samakatuwid, ang isang Kristiyano ay dapat maging gising, alerto at matulungin, sensitibo sa pag-uudyok ng Espiritu ng Diyos at magkaroon ng kamalayan sa galaw ng Diyos sa mundo Bagaman wala pa tayo sa Adbiyento ngayon, pinaalalahanan tayo na maghanda at magiging mapalad ang gising sa pagbabalik ng Panginoon. Ang pinakamagandang paghahanda natin ay ang pamumuhay kasama ang Panginoon at sundin ang kanyang utos na mahalin Siya at ating kapwa. Ang lahat ng mga salita at kilos ay saklaw ng pag-ibig ni Kristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021