Ebanghelyo: Lucas 13:18-21
Sinabi pa ni Jesus: “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng langit.” At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”
Pagninilay
Sa pelikulang Little Boy, ang pitong taong gulang na batang si Pepper Busbee ay madalas na nilalait ng ibang bata dahil sa sobra niyang kaliitan. Ngunit sa inspirasyon ng isang ídolong mago at sa hamon ng isang pari, pinatunayan niya na walang anumang bagay na imposibleng makamtan basta’t may pananampalataya kahit ito’y kasing liit pa ng buto ng mustasa. Dahil sa kaniyang pananampalataya, muli niyang napabalik ang kanyang minamahal na ama mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa tunay na buhay din natin, maraming mga bagay na nagsisimula lamang sa isang pangarap na nagkakatotoo sa tulong ng tiyaga at pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020