Ebanghelyo: Lucas 6:43-49
Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso.
Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon.
At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
Pagninilay
Nakatatak na sa atin ang kasabihan na “kung ano ang puno, siya ang bunga”. Ito rin ang pinagdidiinang ipaunawa ni Jesus sa kanyang mga tagapakinig. Pero ano nga ba ang kahulugan nito? Kapag ba ang isang magulang ay kriminal, ikaw ay kriminal na rin? Kapag ba magnanakaw ang magulang, magnanakaw ka na rin? Ito ba ang ibig sabihin ni Jesus sa kanyang sinasabi na kung ano ang puno siya rin ang bunga?
Sa tingin ko, ang punong binabanggit ay tumutukoy hindi sa iyong “kadugo”, kundi sa isang “guro”, tagapagturo o mga lider na naatasang mamuno. Siya na kinikilalang “puno” ng sambahayan o ng isang komunidad. Na kung mali at masama ang kanyang itinuturo, iyon rin ang matutunan ng kanyang mga tagasunod. Si Kristo ay mabuting “puno”, kung kaya’t ang lahat ng nakadikit at sumusunod sa kanya ay makikinig ng mabuti at mapapabuti ang kanilang kalagayan. Subalit kung hihiwalay tayo sa “puno”, ito ay ikapapahamak natin. Mabuti ang Diyos na ating pinupuntahan tuwing linggo sa misa, kung kaya inaasahan na tayo rin ay magiging mabuti sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022