Ebanghelyo: Mateo 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.” Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
Pagninilay
Noon kapanahunan ni Jesus ang pito ay simbolo ng pagiging ganap, kaya nagtanong si Pedro kung tama naman ang magpatawad hanggang pitong beses; madami na yun sa akala ni Pedro. Pero ang kahulugan ng sagot ni Jesus: “pitumpu’t pitong beses”, na “lagi ka dapat magpatawad.” Sa kanyang talinghaga naawa ang hari sa opisyal na nagsumamo na bigyan pa siya ng panahon para magbayad. Pinatawad ng hari ang buong utang at umasa na magiging maawin din ang opisyal. Pero itong masamang alipin ay nagpakulong sa kanyang kapwang may utang din sa kanya. Walang happy ending ang talinghaga, gawa ng hindi-magandang katangian ng opisyal. Pinatawad tayo ng Diyos at handa din siyang patawarin ang taong nagsusumamo sa kanya. Sino ang hindi mo pa pinapatawad ng buong puso? Paano kaya kung ipagdasal mo muna siya ngayong araw na ito?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020