Ebanghelyo: Lucas 9:18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabing ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.”
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman.
Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Pagninilay
Magandang mapagnilayan kung ang mga paghihirap na ating nararanasan ay “necessary or unnecessary suffering? ‘Pag sinabing “unnecessary” ay hindi ka naman dapat naghihirap kaya lang sadyang matigas ang ulo natin kaya tayo naghihirap, na hindi naman dapat. Halimbawa ng “necessary suffering” ay ang mga magulang na naghihirap magtrabaho, nagtitiis ng gutom at maging ng mga luho nila para lamang may maibigay at isuporta sa kanilang mga anak. Sa mga kabataan, “necessary suffering” ay iyong pagpupuyat para lamang makapag-aral at matapos ang mga proyekto. Ang halimbawa naman ng “uneccessary suffering” ay hindi ka naman dapat naghihirap kung hihiwalayan mo ang kinakasama mo na hindi mo naman asawa, lalo na kung ito ay mapang-abuso. Hindi ka naman dapat naghihirap kung hindi ka mamumuhay sa mga bisyo, tulad ng pagsusugal at droga.
Ang isang katangian nang “necessary suffering” ay yung nahihirapan ka, pero ginagawa mo pa rin alang-alang sa mga mahal mo sa buhay. Gayundin, sa kabila ng mga paghihirap ay masaya ka o nagagawa mo pa rin maging masaya. Ganyan ang ginawa ni Jesus. Nahirapan man pero sa huli, masaya Siya dahil alam Niya na nailigtas na Niya tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022