Ebanghelyo: Lucas 12:8-12
Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga sinagoga at mga namumuno at mga maykapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”
Pagninilay
Mahirap ang maging sarado ang puso. Nawawalan ng puwang sa pag-ibig. Hindi handang umunawa at magpatawad. Wala ng lugar ang grasya ng pagbabago. Totoo ang sinabi ng isang may-akda: “Hell is the suffering of being unable to love” (F. Dostoevsky). Sa pagtanggi sa alok ng Diyos ng pag-ibig, tao ang lumilikha ng sariling impiyerno. Mayroong babala si Jesus sa ebanghelyo: “Ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.” Tumutukoy ito sa katigasan ng puso. Ang totoo, lahat ng kasalanan ay may kapatawaran. Subalit kung tao mismo ang tatalikod sa biyaya ng pagsisisi, hindi maipipilit ng Diyos ang kaligtasan. Ang kasalanan laban sa Espiritu Santo ay tinatawag ding kasalanan laban sa liwanag. Ang taong nagbubulag-bulagan sa katotohanan at katwiran ay nawawalan ng kakayahang magsisi at magbalik-loob. Hayaan nating tunawin ng apoy ng Espiritu ang mga pusong batong pinatigas ng kapalaluan at kawalan ng gana sa mga bagay na espiritwal.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





