Ebanghelyo: Lucas 19:45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat: ‘Magiging bahaydalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Pagninilay
Kamakailan, sinabi ni Papa Francisco na kailangang i-update ang katesismo ng Simbahan upang higit na maipaliwanag ang kasalanan laban sa kalikasan. Sagrado ang buong sangnilikha. Ito ay salamin ng karunungan ng Maylikha at pinanahanan ng kanyang presensya.
Isang paglapastangan sa Diyos at krimen laban sa sangkatauhan ang pag-aabuso at pagwasak
nito. Tinawag ng Papa na ‘ecocide’ o pagkitil sa kalikasan ang pagdudulot ng polusyon sa hangin, lupa at katubigan at ang malawakang pagkawasak ng ating ecosystem. Sa harap ng mga nararanasan natin kalamidad dulot ng climate change, maaring iangkop ang mga mabibigat na salitang binitawan ni Jesus laban sa mga nangangalakal sa templo. “Ang aking bahay ay… ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw.” Ang sangnilikha ay tahanan ng Diyos. Subalit dahil sa kasakiman ng tao, ginawa itong kalakal at negosyo para magkamal ng salapi at kayamanan. Sa kasalukuyang panahon, halos lahat ay nabibili na ng pera. “When nature is viewed solely as a source of profit and gain, this has serious consequences for society” (Pope Francis). Muli nating tuklasin ang sagradong karakter ng kalikasan, ang ating tahanan at sakramento ng pananahan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





